Sa panahon ngayon, samu’t saring uri ng soundtrip ang mapakikinggan sa paligid. Yung iba, hindi mo man gustong marinig, wala kang magawa dahil ang karamihan yun ang hilig.
Kaliwa’t kanan ang pagpapa-ingay gamit ang mga kantang banyaga.
Paulit-ulit na umaalingaw-ngaw sa kalsada.
At kasabay ng pag-arangkada ng mga sasakyan,
ay ang mga malilikot na lirikong tumitimo sa ating puso’t isipan.
Hindi man nakikita ng karamihan, para sa akin, ang musika ay isa sa mga napakaraming dahilan kung bakit tayo ganito, kung bakit ka ganyan. Kung bakit ganyan ka manamit, pumorma, maglakad, kumilos, kung bakit ka laging nakangiti, malungkot o mabigat ang pakiramdam.
Makapangyarihan ang musika. Kaya ka nitong dalhin sa lugar na kung saan ay maaring payapa, magulo, malungkot o masaya. Nakadepende pinapakinggan mong kanta.
Kaya rin nitong buhayin ang natutulog mong diwa o di kaya naman ay hilain ka sa pagkakahimbing.
O kaya naman, ay ibalik ka sa panahong gusto mong balikan..
Kung may pagkakataon lang, nanaisin kong bumalik noong mga panahong buhay na buhay pa ang kultura ng tunay na soundtrip.
Mga kantang sumisimbolo sa kabuuan at kagandahan ni Inang bayan. Ang Perlas ng Silanganan, ang mayuming nadungisan na ng makabagong kalakaran.
Mukha man, alam kong hindi pa patay ang tugtugang Pilipino. Salamat sa Diyos, nakilala ko ang taong naging daan para magkaroon ako ng pagkakataong mapakinggan ang mga awiting tatak Kadangyan.
[Kadangyan - isang napaka-lupit na bandang nabuo sa Cebu, layunin nilang ibalik ang yaman ng musikang pilipino gamit ang mga makabagong uri ng tugtugan.]
Habang binabaybay namin ang kalakhang Maynila, pinarinig niya sakin ang kantang ‘to..
♪♫ Babanam kevalam baba babanam kevalam.
Ito’y Sanskrit o salitang indiyo, na naging simbolo na ng paniniwala ng Kadangyan — “datu sa kultura” o rich in culture
Nakakalungkot isipin na hindi lang sa ekonomiya o pulitika pumapalya ang mga Pilipino na pati ang mayaman at napakagandang kultura ng sining ay nasasayang at di napapansin.
Hindi ko tuloy maiwasang maisip ang mga panahong iginugol ko sa pakikinig ng mga kantang ampao. Puro satsat, walang laman.
Sayang.
Sa kabila nito, nakakatuwa paring isipin na may mga taong katulad ng Kadangyan at ilan sa mga kababayan natin na handang buhayin ang natutulog na sining pang-musika ng lahing kayumanggi.
Hindi ko alam kung nakuha niyo ang punto ko, pero kung ganito ba naman ang kulturang kakagisnan mo, hindi ba’t napakasarap maging isang Pilipino?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento